Kapayapaan at kapatawaran!

NGAYONG Linggong ito isa na namang aral ang ipinaaabot sa atin ni Panginoong Jesus at ito ay ang pagtatamo natin ng kapayapaan. Sa paalaala ni Pablo ay matatamo natin ito kung tayo ay mayroong isang puso at isang kaluluwa na tayo ay sama-samang nagbibigayan at higit sa lahat ay ating kinakalinga mga nangangailangan. Kaya’t ang pagbibigayan ay ang bunga ng ganap na kapayapaan. Peace be with you!

Magpasalamat tayo sa Panginoon sa kanyang kabuti­han, ang pag-ibig Niya ay walang hanggan. Lubusan nating matatamo ang Kapayapaang ito kung wagas ang ating pag-ibig sa Diyos at pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Ang pinaka-masakit na pangyayari sa pagdiriwang ng Banal na Misa ay puro salita tayo nang salita sa pagbati ng Peace be with you. Para bang automatic sa atin ang dada nang dada, pis nang pis na puro sa bibig lamang nanggagaling. Kaya’t sa aking pag-aalay ng Banal na Misa sa Filipino ay lagi kong sinasabi na ang gamitin ay ang mga salitang sumainyo ang kapayapaan kasabay ang ating pagdadaop-palad sa ating kapwa. Mga salitang sa puso natin nagmu­mula at hindi lamang sa dila.

Maging si Jesus ay tatlong ulit na bumati ng sumainyo ang kapayapaan. Ang una ay ang biglaang pagpasok niya sa silid na kanilang pinagtataguan at Kanyang ipinakita    ang Kanyang Muling Pagkabuhay. Ipinakita pa niya ang pinagpakuan niyang mga kamay at ang nasugatang tagi­liran. Ang ikalawang pagbati ay kasama ang pagbibigay ng Espiritung Banal sa lahat ng sumusunod sa Kanya. Matapos ang ikawalong araw ay muli Siyang nagpakita at sa harap ng mapag-alinlangang si Tomas ay ibinigay niya ng pangatlong ulit ang pagbibigay niya ng kapayapaan. Lubusang nagliwanag ang isipan ni Tomas at nasabi niyang: Panginoon ko at Diyos ko! Sumainyo ang kapayapaan!

Gawa 4:32-35; Salmo 118; 1Jn 5:1-6 at Jn 20:19-31


Show comments