“KASALANAN mo” sumbat ng Meralco sa NAPOCOR. “Hinde. Ikaw ang may sala” mabilis na buwelta ng NAPOCOR.
Nagtuturuan ang dalawang ahensya kung sino ang dapat sisihin sa mataas na presyo ng kuryente. Ang NAPOCOR ang major power vendor kasama ang ibang mga Independent Power Producers at ang Meralco ang distributor. Iyan ang magkahiwalay na papel ng dalawang kompanya sa industriya ng elektrisidad.
Ganyan ang eksena kamakalawa sa joint hearing na isinagawa ng Kamara de Representante at ng Senado na dinaluhan ng mga kinatawan ng NAPOCOR, MERALCO at GSIS na isa ring major shareholder sa Meralco sa panig ng pamahalaan.
Ang akusasyon ng gobyerno sa Meralco ay “mis-management” daw. Mas marami pa raw ang pinasasahod na top executives kaysa ordinaryong empleyado. Inaakusahan din ang pribadong sector ng Meralco ng overcharging at pati raw ang kuryenteng ginagamit ng kompanya ay taumbayan ang nagbabayad. Siyempre, pinabulaanan ito ng Meralco. Sa totoo lang daw, mahal ang kuha nila ng kuryente sa Napocor kaya ibinebenta rin ng mahal sa mga consumers. Seryoso ang alegasyong ito sa Meralco at kailangan ang convincing na paliwanag. Totoo ba na tayo ang nagbabayad sa kinukonsumong kuryente nito?
Anyway, ang isa pang dahilan sa mataas na singil sa kuryente ay ang EPIRA law.
Nang ikonsepto ang batas nung panahon ni Presidente Ramos, ang vision ay nakatanaw sa pagsulpot ng maraming industriya at pangangailangan ng mas episyenteng elektrisidad na kakailanganin ng mga industriyang ito.
Dahil diyan, pumasok sa kontrata ang gobyerno sa pribadong sector na nagtayo ng mga power generators. Sila ang tinatawag ngayong Independent Power Producers o IPP. Kaso, nang mawala si Ramos at ang pumalit ay si Joseph Estrada, hindi natupad ang vision na makapagtayo ng maraming industriya sa bansa. Sumobra ang mga IPP kaysa kinakailangang elektrisidad ng bansa. Kaya ngayon, mag-prodyus man o hindi ng kuryente ang mga IPP, obligado ang taumbayan na magbayad ng elektrisidad sa kanila. Nasa kontrata iyan.
Sana’y ceasefire muna sa sisihan at magkaisa na lang sa paghanap ng tamang solusyon sa problema. Wika nga, naririyan na iyan at ang pagsisisihan ay lalo lamang magpapalubha sa problema.