SA lahat ng naglabas ng listahan ng Man or Men of the Year nitong umpisa ng taon, ito lang ang obserbasyon ng REPORT CARD: Sino sa inyong mga pinili ang nagawang makipagsapalaran na nag-iisa sa abroad at isinakripisyo ang panahon sa piling ng pamilya; ang tiniis ang mga brutal na kondisyon ng trabaho. Nagawa ba nilang itaas ang bandera ng bansa sa pamamagitan ng paghatid ng ating kultura’t kaugalian sa lahat ng sulok ng daigdig? Kasama ba sila sa nagpasok ng halos $15 billion nitong nakaraang taon sa ekonomiya ng bansa?
Para sa Report Card, ang man of the year ngayon at magpakailanman, ay ang dakilang Overseas Filipino Worker (OFW).
Maging ang simbahan ay pumupuro sa dami ng Pilipinong kumalat sa abroad. Saan mang bansa mapunta, Europa, Asya, Arabia, America – siguradong may kaenkuwentrong Pinoy sa simbahan basta may misa. Para sa isang relihiyon na paunti-unting nalalagas ang bilang ng nananampalataya, para kang naka-jackpot ng milyun-milyong misyonaryo sa katauhan ng bawat isang katolikong Pilipinong pumalaot sa mundo.
Siyempre, hindi mawawala ang mga pilit humahadlang sa pagpalaot na ating mga kababayan. Ang mayorya ng tinatawag na “land-based” workers ay mga highly-paid at highly-skilled professionals. Tangay daw nila ang talino sa kanilang paglisan – brain drain, ‘ika nga — at ang natitira raw sa bansa ay ang mga “bangko” o second team lang. At kultura raw ng tamad dahil ang mga masisipag ang nakikipagsapalaran habang ang mga naiiwan ay nakukuntento sa remittance at nasasanay sa buhay sustentado. Pinakamabigat na side effect ay ang dumadaming nasisirang pamilya dahil nahihirapan sa matagalang paghiwalay.
Bawat mamamayan ay malayang hanapin ang kanyang magandang kapalaran. Kung hindi ito kayang ibigay ng sariling pamahalaan, sino sa atin ang may karapatang magsabing “huwag kang aalis diyan at kailangan ka ng bansa”. Huwag sanang gamitin ng nakapuwesto ang seguridad na hatid ng pinagpawisan ng ating OFW. Nandun sila sa malayo dahil hindi n’yo sila matulungan. Tapos, kayo pa ang mauunang makikinabang?