Ang KIA ho ay samahan ng mga kagawad sa ikatlong distrito ng Maynila na pinamumunuan ni Kagawad Boy Sy. Bagama’t hindi sila nag-eendorso bilang isang grupo ng sinumang kandidato ay open sila na mag-organisa upang mabigyang pagkakataon ang sinumang kandidato sa Maynila na makaharap sila at magharap ng plataporma.
Anyway, nakinig ako sa medyo mahaba bagama’t may lamang pananalita ni Sen. Lim kung saan pinagmalaki niya ang mga nagawa niya sa Maynila nang siya ang alkalde.
Nagawa niyang gawing libre ang elementary, high school at college sa mga taga Maynila ng siya ay nanunungkulan. Lahat ng antas ay libre noong panahong iyon as in libre dahil ultimo mga contribution na usung-uso ngayon ay pinagbawal niya.
Katwiran niya, may pera ang Maynila at kailangang isa sa prayoridad ay ang edukasyon. Isang bagay na kahanga-hanga at tama dahil alam naman ng lahat na tanging edukasyon ang tunay na mag-aahon sa atin mula sa kahirapan.
Siya rin ang nagtayo ng City College of Manila sa dating Philippine National Bank building sa Escolta, Manila. Binili ng siyudad ang naturang building sa halagang mahigit P500 milyon at kahit na may alok ang isa pang banko na bibilhin ito ng P800 million ay hindi siya pumayag dahil una siyempre ang edukasyon.
Napigilan niya ang paglaganap ng droga sa pamamagitan ng pagpipintura ng mga tahanan ng mga drug pushers na madali kasing nakakapagpiyansa dahil sa connection nila sa ilang mga corrupt na opisyal ng korte. Komo natukoy ang nagtutulak ng ilegal na droga, hindi sila masyadong nakakilos at napilitang lumipat sa mga karatig siyudad ng Maynila.
Dahil diyan, bumaba rin ang krimen at naging mas maganda ang peace and order ng Manila.
Puwersahan din niyang pinasara ang mga establishments na front for prostitution, lalo na iyung mga involve sa white slavery na sumisira sa kinabukasan ng mga kabataang kababaihan.
Napaangat niya rin ang serbisyo ng mga health workers sa Manila dahil tinaasan niya ang mga allowances nila. Isang health worker ang nagpatunay nito nang personal siyang nagpasalamat kay Sen. Lim pagkatapos niyang magbigay ng pahayag.
Ganundin ang ginawa niya para sa mga pulis na dinagdagan ang allowances pero binigyang babala naman na huwag gagawa ng katiwalian lalo na ang pangongotong sa mga pobreng mga vendors at drivers sa Maynila.
Kahit na marami ang nadagdagan ang allowance, hindi ito naging dahilan upang mangutang ang siyudad noong mayor siya. Katunayan, pinagmalaki ni Lim na wala siyang iniwang utang sa pumalit sa kanya sa katauhan ng kasalukuyang Mayor Lito Atienza.
By the way, anak ni Lito Atienza ang kalaban ni Sen. Lim sa darating na Mayo. Ang iba pang mga kandidatong nais mag-mayor ay masasabi kong malabo na dahil made-up na ang isipan ng mga Manilenyo na dalawa na lang ang pinagpipilian.
Lamang ngayon si Sen. Lim base sa mga independent surveys gaya ng Pulse Asia. Si dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada na alam kong may endorsement value na malaki ay si Lim din ang napiling manok sa darating na halalan sa Mayo samantalang natural na si Ali Atienza ang manok ni Madam Senyora Donya Gloria.
Vice Mayor ni Lim si Lito Banayo, dating presidential adviser ni Erap at nauna sa ating General Manager ng Philippine Tourism Authority. Ang Vice naman ni Ali ay si Don Bagatsing.
Nang tanungin siya kung ano ang gagawin kung ibabalik siyang mayor ng Maynila ay sinabi niyang prayoridad niya ang libreng edukasyon, libreng pagamutan, peace and order at ibalik ang tiwala ng mga negosyante sa pamahalaang local upang bumalik sila sa Maynila at makapagbigay ng trabaho sa mga Manilenyo.
Kasama rito ay ang pagbubukas muli ng Rizal Avenue o Avenida, Rizal na kasalukuyang sarado mula sa may Sta. Cruz hanggang diyan sa may Claro M. Recto.
Panawagan ito ng karamihan sa mga residente ng Maynila dahil ang pagsasara ng naturang kalye ay hindi lamang naging abala sa mga drivers at commuters kung hindi pati mga negosyo sa naturang lugar na tuluyan ng pinatay. Bukod pa rito ang pagiging kilala ngayon ng nasabing lugar bilang istambayan ng mga prostitutes na naglipana roon kahit umaga.
Sunud-sunod na palakpak ang tinanggap ni Sen. Lim na nangakong ipagpapatuloy ang kanyang mga programa kasama na ng maayos na paggastos ng pera ng bayan at tamang pagkolekta ng buwis.
Ako ho naniniwala na maganda ang mga programang ito at buong puso kong sinusuportahan. Bagama’t maaaring sabihin ng ibang kandidato na iyan din ang prayoridad nila, lamang ni Sen. Lim ay nagawa niya na ito nang manungkulan siya, in short subok na siya.
Sana’y magtagumpay siya at maibalik ang ganoong uri ng serbisyo sa mga Manilenyo na talaga namang sadlak na sadlak na sa paghihirap.
Sa mga kababayan kong Manilenyo, muli pinaaalala ko, huwag aksayahin ang inyong boto. Piliin ang tama at huwag ipagbili ang boto. Bantayan din ito at tiyaking hindi magagamit ang anumang sistema ng hokus pokus o "Hello Garci" operations.