Erap pa rin!!!

PAPALAPIT na ang election at maraming kakatakang pangyayari na naman gaya ng sunog na tumupok sa Commission on Election (Comelec) noong Linggo ng madaling-araw pero isang bagay ang hindi maaaring pagtakahan at iyan ay mahigit na importante ang endorsement ni dating President Joseph "Erap" Estrada at halik naman ni kamatayang matatawag ang endorsement ni Madam Senyora Donya Gloria.

Katiyakan ho ang bagay na iyan at hindi ito kayang kontrahin ultimo mga kakampi, kapartido, kasabwat, kapamilya, kapuso, katsokaran, kakutsaba at sipsip ng Malacañang.

Hanggang sa araw na ito ay wala akong makita ni isa mang kandidato ng Malacañang na nagpapataas ng kamay kay Madam Senyora Donya Gloria samantalang patuloy na humahaba ang pila ng mga nais na itaas ang kamay ni dating President Erap.

Sabagay hindi naman problema ng mga administration ng Team Unity Team Arroyo (TUTA) ang pagtataas ng kamay ni Erap sa kanilang mga katunggali dahil importante sa kanila ay itaas ni dating Comelec Commissioner Virgilio "Garci" Garcillano ang telepono at sagutin ito.

Ngayon kung bakit, tanungin n’yo na lang si Madam Senyora Donya Gloria na hindi lamang isang beses, dalawang beses, tatlong beses kung hindi 14 na beses tumawag sa kanyang phone pal na si Garcillano.

Hanggang sa araw na ito naman ay pinanindigan ng Malacañang na hindi na dapat pag-ukulan ng pansin ang dayaan, nakawan at pagsisinungaling. Katunayan, wala silang bukambibig kung hindi tapos na ang isyung iyan at dapat sa ating lahat ay "move forward."

Ganoon din ang mga text brigade nila na ginugulo rin ang cell phone ng inyong lingkod sa pag-aakalang maiirita ako at tatantanan ang pagsusulat laban sa mga katiwaliang ito.

Problema lamang nila, tinatawanan na natin ang mga ginagawa nila, kahit paano kasi ay nararamdaman ko na tinatablan pala sila kahit konti. Hindi pa pala kasingkapal ng adobe ang mga pagmumukha nila o baka naman balat sibuyas na sila dahil sa laki ng ginagastos nila sa mga doctor na binabayaran nila nang malaki upang mapaganda ang anyo nila.

Paalala lamang ho sa mga taong ito na ang binabayad pa ay nakaw sa sambayanan, ang kabutihan ho ng tao ay nasa loob at hindi nasa panglabas na anyo.

Anyway, kahit anong gawin nila ay walang papayag na kalimutan na ang mga isyung pinag-uusapan tungkol sa dayaan, nakawan at kasinungalingan dahil alam ng lahat na nais ng kasalukuyang administrasyon na mapatawad ang lahat ng ginawa nila pero ang mga nagbulgar, naglathala at bumuko sa kasalanan nila ay markado at hindi nila tatantanan.

Bukod pa riyan ay ang panawagan ng sambayanan, lalo na ng MASANG PILIPINO na kinikilalang lider nila hanggang sa araw na ito at sa mga darating pang mga araw ay si dating President Joseph "Erap" Estrada.

Sigaw nga ng marami nating kababayan lalo na sa mga depress areas ng Maynila, "ERAP PA RIN at wala ni isa mang tinig ng GLORIA kami o GLORIA ako man lang.
* * *
Isa raw sa anggulong tinitingnan ay sabotahe ang dahilan sa pagkasunog ng Commission on Election sa Intramuros, Manila.

Kakapagtaka nga naman na walang pa hong dalawang minutong lakad mula sa isang fire station ay hindi naapula agad ang apoy. Lubha ring nakamamangha na ang apoy ay tinupok ang statistics office ng Comelec pati na ang Commission on Audit office sa loob ng naturang gusali.

Dapat ebidensiyang nasilaban at daming papeles ang naabo. Tunay na tama ang sinasabi nilang sabotahe ito at naniniwala ako roon, tanong ko nga lang, sino ba ang makikinabang kung masunog ang naturang gusali at mga papeles sa loob nito? He-he-he!!! Hindi naman siguro ang oposisyon at lalong hindi ang mga militante? Sino? Sino ang makikinabang? Iyon ho ang malamang may pakana.
* * *
Patuloy ho ang pag-iikot ko sa ikatlong distrito ng Maynila kasama ng totoong nanalo sa Kongreso na si Naida Angping. Kakaiba ang pagmamahal sa kanya ng mga kababayan natin diyan at kahit saan siya dumalaw ay naglalabasan ang lahat upang kamayan siya at batiin siya.

Marami rin ang nangangako sa kanya na mas pag-iibayuhin nila ang pagbabantay sa darating na election upang matiyak na hindi umubra ang anumang hello hello operations at technical na paraan.

Hanap din ng karamihan si Congressman Harry Angping na marami pala talagang naipagawa sa ikatlong distrito ng Maynila at maraming natulungan. Sa pamamagitan ng kanyang mga connection hindi lamang sa gobyerno kung hindi sa mga negosyanteng malalaki, marami siyang naipasok ng trabaho. Bukod pa rito ang mga napag-aral niya.

Habang ginagawa pala ni Cong. Harry Angping ang mga kabutihang iyon ay tahimik na nasa likuran niya at isinasaayos ang mga bagay-bagay ng kanyang maybahay na si Naida.

Ngayong si Naida muli ang kakandidato bilang kongresista ng ikatlong distrito ng Maynila, tiyak tuloy ang mga proyektong tunay na makatutulong sa mga residente ng naturang lugar.
* * *
Sa mga driver ng trailer na lumalabas sa pier at nagdaraan sa may Parola, konting hinay naman sa pagmamaneho at marami na pala tayong mga kababayan ang nasasagasaan diyan.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, mag-e-mail sa nixonkua@yahoo.com o mag-text sa 09272654341.

Show comments