Sa nakakatawa, una na ang pananamit. Suotan na naman ang mga kandidato ng matitingkad na kulay ng vest at magarbong disenyong shirt. Checkered o Hawaiian prints na papatungan ng nakasisilaw na pulang jacket ang kailangan para makita sila agad sa crowd. Kaso mo, maiispatan din sila agad ng assassins na maglilitawan din ngayong kampanya.
Ilalabas na rin ang inaagiw na gitara, torotot, silindro o violin na tutugtugin ng mga kandidato para lang makakuha ng atensiyon sa rally. Kung walang alam na instrumento, sasayaw na lang ng cha-cha o swing. Tapos, tuturuan ang mga tao i-spell ang pangalan niya. Tapos, baba na sa entablado walang programa de gobyerno na ipapaliwanag.
Maglalabas na naman ang mga obispo ng alituntunin sa pagpili ng mabuting opisyales. Uunahin nila ang kontra jueteng, pero pagdating ng Election Day, marami sa kanila ang unang babati sa nanalong jueteng lord o bata-bata nito. Kailangan ng perang sugal sa pag-decorate ng simbahan.
May volunteers na namang election watchdogs pero imbis na mag-neutral ay kikiling sa tukoy na kandidato o partido. Iwawasiwas pa ang ID card ng volunteer group, para takutin ang mga guro na election inspectors.
Iko-corrupt na naman ng mga partido ang teachers sa presinto; susuhulan para dayain ang election returns. At dahil two-way ang bribery, magpapa-presyo naman ang mga gahaman sa hanay ng teachers.
Gayundin sa mga botante. Hahakutin na naman sila ng kandidato, pakakainin at paiinumin, babayaran ang aw-aw, pababaunan pa ng regalo basta pumunta lang sa presinto. At siyempre alam ng botante kung kaninong pangalan ang isusulat sa balota; alangan naman yung sa kalaban. Yung iba, hihingi pa ng mas malaking pera.