Ang pamana’y Inang Wika

Buwan ng Agosto ay Buwan ng Wika

Bawa’t araw nito ay gumugunita —

Sa isang bayani na biglang nawala

Matapos mag-iwan ng gintong salita!

Ang bayaning ito’y dakila ang hangad

Na ang bansa natin ay lumayang ganap;

Boses mataginting – ginto ang panulat

Iginalang siya at mahal ng lahat!

Manuel Luis Quezon ang kanyang pangalan

Naging presidente nitong ating bayan;

Malayang Lipunan kanyang inilaban

Sa loob at labas nitong ating bayan!

Hinangad din niyang tayo ay lumaya

Sa mapang-aliping kaaway ng bansa;

Dahilan sa kanyang dakilang adhika

Bansang America nagbigay-tiwala!

Kaya nang magwakas ang mga labanan

Siya ay tinanghal —- Pangulo ng bayan;

Pamumuno niya’y lubhang iginalang

Kaya lumaganap ang kapayapaan!

Sa mga umpukan at mga okasyon

Laging nangunguna ang tinig ni Quezon;

At sa America nang siya’y paroon

Pag-uwi sa bansa lumaya ang nasyon!

Sa buong panahong siya ang pangulo

Sa lahat ng bagay ay sagana tayo;

Tahimik ang bayan at ang lahing ito

Kilalang-kilala sa lahat ng dako!

Siya ang pangulo na ang katangian

Namumukod tangi sa kadakilaan;

Ang kanyang pamana’y walang kamatayan

Pagka’t Inang Wika na dakilang yaman! ssss

Show comments