To begin with, there may be no President Gloria Macapagal-Arroyo today without the so-called EDSA I. Kaya kung tutuusin, hindi dapat umiwas-pusoy sa selebrasyon ang Pangulo. But it seems that the administration is gripped with trepidation about having a pompous EDSA I fete.
Sa isang banda, hindi natin masisisi ang Pangulo kung ayaw man niya sa magarbong selebrasyon na pagtitipunan ng libo-libong katao sa EDSA. Baka nga naman samantalahin ito ng kanyang mga kaalit upang ang pagtitipon ay maging totohanang rebolusyon para siya naman ang patalsikin sa tungkulin.
Nakikita naman natin na hangga ngayon ay wala pa ring puknat ang oposisyon sa pagbanat sa Pangulo. Patuloy nilang inuurirat ang tungkol sa inaakusang dayaan noong nagdaang presidential elections. Kahit sinasabing may indikasyon ng pag-unlad ng ekonomiya kabilang na ang paglakas ng piso at ang pagtaas ng credit rating ng bansa, ang mga negatibong hiyaw ng mga kalaban ng Pangulo ay lumulusaw sa mga positibong kaganapang ito.
Habang patuloy sa pag-alingawngaw ang "baba Gloria!" matatag na naninindigan ang Pangulo na tatapusin niya ang kanyang anim na taong termino. Wala. Tigok na ang tinatawag na people power. Ang lakas ng tao ay nakasalalay kasi sa pagkakaisa. But apparently, there is political disunity among the people.
A country divided within itself will not stand strong. Kung magkakaisa ang lahat para puwersahing bumaba ang Pangulo, kahit isang diktador tulad ni Marcos ay walang magagawa. Napatunayan na natin iyan. Pero hindi natin nakikita ang pagkakaisang ito para mapatalsik sa poder ang Pangulong Arroyo. At dahil may malaking sektor din na gusto siyang umalis na sa puwesto, ang resulta ay sigalot sa pulitika na nakakahadlang sa pag-unlad ng bansa. People vs people.
Mas maganda sana kung magkakaisa ang tao sa iisang layunin. Patalsikin si GMA kung patatalsikin o suportahan siya para umasenso na ang ating bansa.