Nitong mga nakaraang buwan tumaas ang bilang ng mga Pilipinong naloloko ng recruiters. Hindi na magkandaugaga ang Philippine embassy doon, na maliit ang budget, sa pag-alaga ng mga sinawimpalad na OFWs, pagpiyansa sa mga nakulong, at paghabol sa mga manlolokong employer. Buti na lang at tumutulong ang The Filipino Community of Palau (TFCP).
Nung Nob 16 lang labing-anim na OFW ang lumanding sa airport sa Koror capital na hawak ay tourist visa lang. Ilan sa kanila ay dinetene agad ng immigration nang umaming magtatrabaho pala dun. Nakalusot ang karamihan, pero nagulat na wala ang pangakong sasalubong sa labas. Napag-alamang nagpulasan pala ang mga "contacts" nang mai-tip tungkol sa naunang gulo sa loob ng airport. Ang embassy ang tutustos sa pasahe nila pauwi ng Pilipinas.
Sabado, limang bagong recruit ang tumakas sa employer. Lahat babae, pinangakuan sila ng mga trabahong cashier at supervisor sa resort. Pero pagdating nila, sinabihang magsisilbi bilang waitress, at di nagtagal piniwersang mag-bar girls. Nakikituloy sila ngayon sa isang TFCP kasapi.
Batid ng awtoridad ang nangyayari sa Palau kaya hindi nagpapa-deploy ng OFWs sa Palau. Pero marami pa rin ang nalalanse. Sa interviews ng TFCP, iisa ang salaysay nila. Nakalusot sila sa Manila pa lang sa tulong ng tiwaling immigration officers. Hay naku, walang kadala-dala.