EDITORYAL – Kikita nang malaki sa EVAT pero kawawa ang mahihirap

ANG ideya ni Albay Rep. Joey Salceda na ipagpaliban ang implementasyon ng expanded value added tax (EVAT) ay dapat isaalang-alang. Ayon kay Salceda, hindi makatwiran na i-implement ang EVAT pagkaraang magtaas na naman ng presyo ang langis na umabot na sa $67 bawat bariles. Pero sabi naman ng ilang senador, hindi dapat pakinggan ng Malacañang ang proposal ni Salceda sapagkat ang mahihirap lalo ang magdurusa. Sinuspinde ng Supreme Court ang EVAT noong July 1.

Mahihirap daw ang mahihirapan kapag patuloy na sinuspinde ng SC ang implementasyon ng 10 percent EVAT, sabi iyan ng mga senador na kinabibilangan nina Franklin Drilon, Joker Arroyo at Juan Ponce Enrile. Ang pagpapaliban daw ng EVAT kagaya ng proposal ni Salceda ay upang isalba lamang ang nabahirang karangalan ni Mrs. Arroyo. Hindi ang taumbayan ang isinalba ni Salceda kundi ang Presidente.

Iisa ang dahilan kung bakit nasabi ito ng mga senador. Malaki kasi ang kikitain ng 10 porsiyentong EVAT. Kikitain ang bansa ngayong taong ito nang mahigit P28 bilyon. At iyan ay manggagaling lamang sa tax ng oil products at electricity. Mas malaki ang kikitain ng gobyerno sa 2006 kung saan ay madagdagan pa ng 2 percent ang EVAT. Sa halip na 10 percent magiging 12 percent na. Kikita ang gobyerno nang mahigit P100 bilyon. Iyan ang nakita ng mga senador at ilang mambabatas kaya punding-pundi sila kay Salceda na ang proposal muna ay ipagpaliban ang EVAT.

Mas lalong mahihirapan ang mahihirap kapag inalis na ng Supreme Court ang TRO sa EVAT. Tataas ang mga bilihin. Kung ngayon nga na hindi pa naiimplement ang 10 percent EVAT ay lumobo na ang mga presyo ng bilihin paano pa kung may pataw na. Pati galunggong ay nagtaas na ng presyo. Pati kamatis ay P55 na ang kilo. Marami pang naglundagan. Wala pang EVAT pero magtataas na ang singil sa koryente at tubig. Ano ba ‘yan. Paano na sa susunod na taon? Pati noodles, sardinas, tuyo ay tiyak na tataas. Wala nang mabibili ang karampot na kita ng mga mahihirap.

Kikita nang malaki sa EVAT pero papatayin ang mahihirap sa paghihigpit ng sinturon. Bakit hindi paghusayin ang koleksiyon sa BIR, wasakin ang corruption sa Customs na pinamamahayan ng mga buwayang matakaw sa kuwarta. Sila ang dapat palakulin ng mga senador na galit na galit at ayaw alagwahan ang EVAT. Puro kayo angas!

Show comments