Noong nakaraang Marso ay naging laman ng mga balita ang pagpaslang sa direktor ng isang subdibisyon sa Quezon City at dating consultant ng Philippine Sports Commission na si Ding Cruz habang nagpaparada ng kanyang sasakyan sa isang grocery outlet sa Congressional Avenue, Quezon City.
Nagkainteres ang BITAG na panghimasukan ang isinasagawang imbestigasyon dahil hanggang ngayon ay wala pa ring linaw ang kaso.
Nauna pang naresolba ang kaso ng dalawang negosyanteng Intsik na biktima ng grupong riding in tandem sa Araneta Avenue, Quezon City at natabunan ang kaso ni Ding Cruz.
May lumilitaw na suspek sa kaso. Ang siste, hindi maumpisahan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Central Police District (CPD) ang imbestigasyon sa kaso dahil hindi nila maipaghambing ang fingerprint na nakuha sa kotse ni Ding Cruz at ng itinuturong suspek dahil xerox copy lamang ang ibinigay ng New Bilibid Prisons (NBP).
Sa pagpunta ng BITAG sa NBP kasama ang fingerprint specialist ng SOCO-CPD, nakita namin ang kabagalan sa pagkuha ng mga mahahalagang impormasyong may kinalaman sa mga suspek lalong-lalo na sa mga kasong tulad ng murder. Ito ay dahil na rin sa kakulangan ng kooperasyon ng ilang opisina ng gobyerno.
Matapos ang ilang oras na pagtuturuan kung sino ang pipirma sa pag-release ng record ng suspek, nahiram din namin ang orihinal na kopya ng fingerprint ng suspek na agad na sinuri gamit ang Automated Fingerprint Identification System (AFIS) ng Crime Laboratory ng Camp Crame.
Abangan ngayong Sabado ang detalye sa pagtutok ng BITAG sa kaso ng pagpaslang kay Ding Cruz.