Antabayanan ang resulta ng imbestigasyon kay Col. Pedrozo

MARAMING reaksyon ang aking naririnig sa mga pulis ng Western Police District (WPD) dahil sa pagkasibak kay Supt. Marcelino Pedrozo at 10 pulis na idinawit ni dating National Bureau of Investigation confidential agent Martin Soriano.

Para sa kaalaman ninyo mga suki, si Soriano ay inaresto ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) sa isang intrapment operation matapos na kidnapin ang isang negosyante, he-he-he! nagwakas din ang kasamaan ni pogi.

Ayon sa mga Manila’s Finest na aking nakausap, hindi nila akalaing ang katahimikan ni Pedrozo at ang kasipagan nito ay magiging sampal sa kanilang hanay. Marahil dinamay lamang nila si Pedrozo sa mga bangketang lakad ng mga tiwaling tauhan kaya’t tuloy siya ay naparusahan at di malayong masibak sa kanyang tungkulin.

Maraming pulis ang nagpahayag na matagal na itong nangyayari sa WPD subalit ito’y napabulaanan sa katagalan dahil sa madalas namang nagpapa-presscon si Pedrozo o iniharap sa mga mamamahayag ang kanilang mga huling drug pushers at users.

"Labis ang aking paghanga kay Col. Pedrozo dahil sa didikasyon nito sa kanyang sinumpaang tungkulin at hindi ako naniniwala na magagawa niya ang pakikipagsabwatan sa grupo ni Soriano, kaya umaasa pa rin ako na malulusutan din niya yan," pahayag ng isa sa mga nakausap ko sa WPD. Tama lang ang ipinahayag ng nakausap kung mga pulis, he-he-he!

Sa katunayan mga suki, nakasama na rin ako sa pagsalakay sa mga pinaghihinalaang safehouse ng mga drug pushers sa Quiapo at pawang mga positibo ang aming lakad kaya marami rin sa aking mga kasamahan ang naiinggit dahil sa kakaiba kong larawan sa naturang lugar. Kaya’t maging ako mismo ay hindi naniniwala na magagawa nito subalit kung ito ang tamang panahon para lubusan ko siyang makilala marapat lamang na antabayanan muna natin ang magiging resulta ng imbestigasyon. Di ba mga suki?

May mangilan-ngilan namang mga pulis ang nagpahayag ng kanilang reaksyon. At tahasan nilang sinisisi ang grupo ng NINJA ngunit ayaw nilang sabihin sa akin kung sino ang mga ito. "Kilala ang mga ito at ang mga lakad nito umano ay pawang mga pailalim at pera-pera lamang"

At dahil sa putik na kumulapol sa imahe ng Manila’s Finest marami tuloy sa kanila ang nadismaya at may halong paghihimutok ang kanilang mga damdamin dahil matagal na panahon at ilang dekada na ang lumipas sila ang tinutularan ng kapulisan maging sa ibang bansa, ngunit sa isang iglap halos lahat sila’y walang mukhang maihaharap sa ngayon, nadamay ang maganda nilang simulain sa paglilingkod sa mamamayan ng Maynila.

At upang maibsan ang sama ng loob ng mga kapulisan ng WPD agad na nagpalabas ng statement ang kaibigan kong si Chief Supt. Pedro Bulaong, kasalukuyang director.

Nakasaad sa naturang statement ang pagsibak kay Supt. Marcelino Pedrozo, hepe ng Station-9 kasama ang kanyang mga tauhan na sina P/Insp. Casan Ali, PO3 Rodolfo Enderina, PO2 Ernie Reyes, PO2 Alexander Delos Reyes at PO2 Ronilo Marquez.

Kabilang din sa sinibak sina SPO2 Elmer Manalang (PS-8); SPO2 Fernando Cantillas, (PS-5); PO2 Arsenio Tercino (DDBPU); PO1 Ronald Rivera (PS-11) at PO1 Ramil de Guzman.

"As I have before, the WPD does not tolerate police officers involved in illegal activities. I ordered for an immediate investigation to find out if this report is accurate and if they are found guilty, they will be dismissed. We don’t want them to lure their colleagues to become like them," ito ang mariing pahayag ni Chief Supt. Bulaong.

Tama lang si Bulaong di ba mga suki? He-he-he! Kahit kailan hindi dapat kanlungin ng Manila’s Finest ang mga pulis na nagtatago sa kanilang uniforme upang gumawa ng kalokohan. At habang hindi pa sila napapatunayan ay huwag muna natin silang husgahan, hayaan natin ang magiging resulta ng investigation ng Philippine National Police.

Abangan.

Show comments