Tuloy-tuloy ang programa sa pabahay

SA gitna ng mga intriga at kaguluhan ng nakaraang eleksiyon tuluy-tuloy ang naging implementasyon ng mga programa at proyektong pabahay para sa mga kababayan natin. Kabilang sa mga pangunahing programa ay ang pagbibigay ng kaseguruhan ng paninirahan para sa mga kababayan nating naninirahan sa mga lupaing pag-aari ng gobyerno at mga pribadong indibidwal gayon din ang mga kababayan nating nakatira sa mga mapanganib na lugar gaya ng mga estero, riles, tulay at iba pa.

Nitong nakaraang linggo, nasimulan ang bagong proyekto na itatayo sa Camarin, Caloocan City. May 908 na pamilya na walang tahanan at mga kasalukuyang naninirahan sa mga danger zones sa Metro Manila ang makikinabang dito. Ang Kapalaran Village Project na humigit kumulang 6.7 na ektarya ay pagtutulungan ng NHA at ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Kamakailan lamang, nagkaroon din ng pirmahan sa Deed of Turnover sa pagitan ng HUDCC at Sto. Nino Integrated Community Association kung saan tinanggap ang mga nakumpletong pasilidad mula sa HUDCC para sa benepisyo ng may humigit kumulang na 3,000 pamilya sa Lupang Katuparan sa Taguig.

Nananatiling matibay ang HUDCC at iba pang ahensiya ng pabahay sa hangaring matugunan ang napakalaking pangangailangan sa pabahay. Batid namin ang masidhing pagnanais ng bawat pamilyang Pilipino na magkaroon ng disente, maayos at sariling pamamahay.

Show comments