Kaya ba natin ang Malaysia?

NAKAIPIT sa dalawang nag-uumpugang bato ang gobyerno.

Ibig ng mga "dugong-bughaw" sa Sulu na buhayin ang paghahabol ng Pilipinas sa Sabah.

Galit ang Sultan ng Sulu dahil sa makahayop na pagtrato ng Malaysia sa mga idinideport na Pilipino.

Ayaw gawin ito ng pamahalaan. Palibhasa’y masigla ang trade relations ng Pilipinas sa Malaysia. Ang ganitong paghahabol ay katumbas ng pagdedeklara ng digmaan ng Pilipinas sa Malaysia.

Hindi natin kaya. Kung sa Abu Sayyaf lang ay hirap ang ating militar, sa hukbo pa kaya ng Malaysia na may mga sopistikado at makabagong sandata?

Hindi pa tuluyang bumibitiw sa Sabah claim ang Pilipinas. Pero dahil sa ugnayang diplomatiko, ang paghahabol ay isina-isantabi.

Kaya nga hindi nagtatayo ng konsulada ang Pilipinas sa Sabah porke kung gagawin ito, ito’y katumbas ng pagkilala ng ating bansa sa soberenya ng Malaysia sa lupaing ito.

Pero galit ang sambayanan.

Bakit nga ba pinagmamalupitan ang mga Pilipino sa sarili nilang lupain na inuupahan lamang ng Malaysia sa halagang napakababa?

Marami sa mga deportees ang namamatay sa gutom. May mga reklamo ng panggagahasa ng mga Malaysian police sa mga Pinoy deportees.

Umaapela ang Sultanate ng Sulu sa pamahalaan na buhayin ang paghahabol nito sa Sabah. Ang Sabah ay pag-aari ng Sultan ng Sulu. At komo ito’y patuloy na inuupahan ng Malaysia, itinuturing ito na bahagi ng naturang bansa.

Kung hindi raw aaksyon ang gobyerno ng Pilipinas, mapipilitan ang Sultanate na gumawa ng marahas na aksyon.

Ngayon pa lang ay may sinasanay nang hukbo ang Sulu. Hukbong gagamitin sa paglusob sa Sabah kung hindi kikilos ang gobyerno.

Naniniwala pa rin ako sa hinahon. Ito’y isang problema di lamang ng Pilipinas at Malaysia.

Dapat itong talakayin ng buong Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Regional security ang nakataya kapag nagsahol ang alitan ng Malaysia at Pilipinas.

Show comments