Sinimulan na rin lamang ang pagkalkal sa PNP, mabuti pang ituluy-tuloy na ito. Eksakto ang pag-upo ni Deputy Dir. Gen. Hermogenes Ebdane sa July 4 bilang bagong hepe ng PNP. Simulan niya sa pag-upo ang reporma. Lipulin niya ang mga masasamang pulis at nang maibangon ang puri nang pamumunuan niyang organisasyon. Hindi naman kaila na masama na ang reputasyon ng PNP. Sa halip na lapitan ng taumbayan sa oras ng kagipitan ay nilalayuan sila at kinatatakutan. Bilib it or not pero nasa PNP na ang mga kinatatakutan ng taumbayan: kidnaper, hulidaper, magnanakaw, drug pusher, user, mangongotong at kung anu-ano pa.
Isang malinaw na katotohanan na umaapaw na ang mga bugok sa PNP ay ang pagkakasangkot ng pitong pulis sa pagkidnap na may kasamang pagnanakaw sa isang Chinese businessman noong June 7. Nagsampa ng reklamo si Edison Sy, exclusive distributor ng Mariwasa tiles laban sa pitong pulis na kumidnap sa kanya.
Sinabi ni Sy na pinigil siya ng mga pulis sa pangunguna ni Chief Inspector Ferdinand Divina, Senior Police Officer 1 Allan Macalanda at SPO1 Joseph Cortez, pawang mga taga-Western Police District-Intelligence Group. Kasamang kinasuhan sina SPO4 Norberto Lozada, SPO2 Charlie Cosam, SPO1 Danilo Monte at SPO1 Antonio Castillo, pawang miyembro ng PNP-Narcotics Group.
Ayon kay Sy apat na araw siyang pinigil ng mga suspect sa WPD headquarters. Inakusahan umano siyang drug pusher subalit wala namang naka-charge sa kanya. Habang nasa WPD, ninakaw ng mga pulis ang kanyang Rolex watch, cash, ten credit cards at pinuwersang pumirma sa isang blank check na may halagang P250,000. Pagkaraay nag-demand ng P5 milyon para siya mapalaya. Napalaya lamang si Sy dahil sa kaibigang abogado.
Nabunyag ang kabulukan ng mga kidnaper na pulis at sinibak na sa puwesto ang mga ito. Kakahiya! Sila ay katiting lamang kung tutuusin. Marami pang bugok na dapat durugin. Ang pagdurog sa mga "bugok" ang magiging hamon kay Ebdane. Simulan na ang reporma sa PNP.