Subalit kahit na nga nakakulong na si Estrada, ang mahihirap pa rin ang kanyang pananggalang. Nagagawa pa rin niyang hatakin ang mga ito sa kalsada para siya ipagtanggol. Isa sa mga pinakamadugong pangyayari ang naganap noong May 1, 2001 kung saan ay lumusob ang mga mahihirap sa Malacañang.
Pinapaypayan ni Estrada ang apoy sa dibdib ng mahihirap. Malaki ang aming paniniwala na marami pa rin ang mahihirap na ang puso ay na kay Estrada. Gaya ng sabi namin, pakitaan lamang ng kaunting pagmamahal (kahit peke) at karampot na pera ang mahirap ay lalaban sila nang patayan para sa kanilang idolo. Kahit pa maliwanag ang katotohanan na hindi natupad ni Estrada ang pangakong "walang kamag-anak, walang kaibigan sa kanyang administrasyon".
Ang problemang itoy dapat pag-aralan ni GMA. Kailangang malinaw at sigurado ang kanyang hakbang para maagaw ang puso ng mahihirap. Sa aming palagay ay simple lang naman kung paano mananalo sa puso ng mga mahihirap. Walang pagkukunwaring pamumuno, dalisay na paglilingkod at pantay-pantay na pakikitungo. Hindi dapat masira sa pangakong disenteng tahanan para sa mahihirap, permanenteng trabaho at pagkain sa bawat hapag. Matupad lamang ang mga ito, maaagaw na ang puso ng mahihirap na minsay dinaya. Kapag natupad yan wala nang magnanais pang magmartsa sa kalsada at makikipagpatintero sa mga pulis. Mababaw ang kaligayahan ng mga mahihirap kaya ang nararapat ay malalim na pakikitungo ng namumuno. Sa paraang iyan malilimot si Erap.