Sa mahigit 50 televiewers na tumawag sa programa, isa lang ang nagsabing buti nga kay Joker. Karamihan naghihinalang pakulo lang ni Lacson ang lahat para mabaling ang atensiyon ng publiko sa magka-epelyido pero di magkamag-anak na senador at first gentleman. Paipit na nang paipit si Lacson sa naisiwalat na heinous crimes, anang televiewers, kaya ito nagpupumiglas at nagpapaputok ng kung anu-anong kuwento.
Halata nga naman si Lacson. Yung informant niya sa umanoy anomalya sa PCSO, si Robert Rivero, ay tao ng oposisyon. Asawa ito ni Jane Rivero, dating empleyado ni natalong Sen Juan Ponce-Enrile na minana ni Lacson bilang media relations officer. Inaanak sila ni Sen. Ed Angara sa kasal. Consultant ni Angara si Demaree Raval, yung umakda ng draft privilege speech ni Minority Leader Nene Pimentel laban kina Joker atbp. Nang ibinasura nito ang speech dahil walang laman, binago ni Raval para si Lacson ang bumasa.
Hindi lang yon. Madulas si Rivero. Sinibak siya nung Agosto sa PCSO dahil kinikilan ang maraming dating kasamahan sa AM-radio sa pagpapa-approve o paniningil ng sweepstakes ads. Nang maramdaman niyang kakasuhan siya ng graft, tumakbo kay Lacson at nag-imbento ng kuwentong anomalya para nga naman magmukhang ginagantihan lang siya sa pagsampa ng mga kaso.
Inakap naman agad ni Lacson si Rivero. Kasi, galing ito sa tropa ng inakusahang drug lords Alfredo Tiongco at Florencio Pareña. Bakit nga ba maraming dikit dati kay Tiongco tulad ng PNP officers na in-expose ni Mary Rosebud Ong ang kinupkop nina Lacson at Kim Wong?