Hindi nakapag-aral si Bobby. Ang mga alam niya sa buhay ay ang mga kinagisnang pamahiin ng mga ninuno. Ang tangi niyang talino ay sa pagpalahi at pag-aalaga ng mga manok, na siya niyang ikinabubuhay. Isang umaga, nagkaroon ng di pagkakaunawaan si Bobby at ang kanyang hipag. Ito ay dahil sa pagkakasira ng pananim ng hipag dulot ng mga alagang manok ni Bobby. May pagkakataon namang may nakita siyang kaiba sa mga alaga niyang manok kaya kanya itong pinatay at kinain. Nang malaman ni Troy, kanyang kapitbahay at may-ari ng manok, nagallit ito kay Bobby. Inalok ni Bobby na papalitan niya ang ibang manok pansabong ang manok na kinain niya, ngunit hindi pumayag si Troy kayat nagkasagutan sila. Dahil na rin marahil sa sobrang galit biglang tinaga ni Bobby si Troy na ikinamatay nito.
Nang umuwi siya at sinabi sa hipag ang pangyayari, nagalit ang hipag ni Bobby at nagsalita pa ng masakit ito. Kaya bigla na lamang sinugod ni Bobby ang hipag at napatay din niya ito. Habang hinahabol si Bobby ng kanyang kapatid, nasalubong naman niya ang asawa ni Troy at kanya rin itong tinaga. Ang sobrang galit ni Bobby ay naging sanhi ng pagkamatay ng tatlong katao. Nang siya ay mahatulan ng habambuhay na pagkakulong, sinabi ni Bobby na, sanhi ng kanyang kamangmangan, dapat ay mas mababang sentensiya ang igawad sa kanya. Tama ba siya?
Hindi isinaalang-alang ng Korte Suprema ang hiling ni Bobby na mapagaan ang kanyang sentensiya. Kahit malinaw at walang dudang siya nga ay isang mangmang, walang pinag-aralan at salat sa kaalaman, hindi ito makagagaan sa kanyang pananagutan dahil ang paraan at tipo ng kanyang pagkakapatay sa tatlong biktima ay karumal-dumal.
Hindi kailangan ang pinag-aralan o mataas na antas ng talino upang malaman ng isang tao na ang malupit at walang awang pagpaslang, tulad ng ginawa ni Bobby, ay sukdulang napakabigat at sadyang kasuklam-suklam. Kayat hindi maaring gamitin ni Bobby ang kanyang kamangmangan o kawalan ng pinag-aralan upang makalusot sa parusang kamatayan.
Kapag ang krimeng nagawa ay karumal-dumal o ang tinatawag nating heinous crime hindi na mahalaga kung walang kaalaman o kamangmangan ang nagkasala (US vs. Balaba, 37 Phil. 260.)