Kamakailan ay isang babaing estudyante ng La Salle ang ginahasa at pinatay bago itinapon ang bangkay nito sa isang creek sa Parañaque. Hanggang sa kasalukuyan, nangangapa pa ang PNP at ang National Bureau of Investigation sa karumal-dumal na kamatayan ni Claudine Feliciano, 21. Nawala si Claudine noong gabi ng March 10 makaraang mamasyal sa Ayala-Alabang Center at ihatid ang isang babaing kaibigan sa bahay nito. Kinabukasan, nakita ang hubo’t hubad na bangkay nito sa isang creek. May tama ng bala at maraming pasa sa katawan. Sinabi ng pulisya na maaaring mga drug addict na mula sa mayayamang angkan ang mga nanggahasa at pumatay kay Claudine.
Noong Biyernes ay inilunsad ni GMA ang "anti-crime telephone hotline" kung saan ay maaaring makatawag ang mamamayan sa telepono sa pamamagitan ng pag-dial sa mga numerong "117". Sinabi ni GMA na madaling makareresponde ang mga pulis o ang mga bumbero sa mamamayan sa oras ng panganib kapag tumawag sa nabanggit na numero. Ini-order na umano niya ang pagde-deploy sa may 1,000 pulis sa mga kalsada ng Metro Manila upang makatugon sa pangangailangan ng mamamayan. Ang ‘‘anti-crime hotline’’ ay sa pakikipagtulungan ng Department of Interior and Local Government, PNP at iba pang ahensiya.
Maganda ang planong ito ni GMA. Subalit hindi kaya ito maging ningas kugon lamang. Sa mga nakaraang administrasyon, may mga isinagawa na ring ganitong paglaban sa kriminalidad subalit nauwi rin sa wala. Matutupad na kaya ito ngayon gayong sandamukal ang problema sa PNP. Isa na rito ang kakulangan sa baril at ang gasolina para sa sasakyan. Paano makareresponde ang mga pulis gayong salat sila sa kagamitan. O kung magkaroon man ng kagamitan ang mga pulis, hindi kaya panibagong "source" ito ng gagawin nilang pangungurakot. Hindi kaya bago sila magbigay ng tulong ay kailangan munang "maglagay". Mas makabubuti sigurong linisin muna ang PNP.