Noong 1998 ay magkasinghalaga lamang ang piso at ang Thailand baht. Nauna pang naka-recover ang Pilipinas sa Thailand nang magkaroon ng financial crisis. Ngayon ay nakaungos na ang Thailand at naglalaro na ang baht sa 43 laban sa dollar. Anong nangyayari sa piso? Noong nakaraang linggo, sinisi pa ng Thailand ang piso sapagkat hinahatak daw nito pababa ang kanilang baht.
Bago pa sumabog ang jueteng scandal ay sumisisid na ang piso. Bago natapos ang 1999, bumulusok din ito dahil sa Best World Resources scandal na kinasangkutan ni Dante Tan, kaibigan ni Estrada. Patuloy sa pag-sisid at nanagasa ang financial crisis sa Asia na sinundan ng walang tigil na pagtaas ng langis dulot ng kaguluhan sa Middle East. Nakatulong din sa pagbagsak ang walang tigil na pangingidnap ng mga bandidong Abu Sayyaf. Sa kabila ng pagbagsak, maaliwalas naman ang tanaw ng mga economic managers at sinabing bago matapos ang taong ito ay lalakas ang piso. Inaasahan marahil ng mga ito ang pagdagsa ng dollar na ipadadala ng mga overseas Filipino workers (OFWs) ngayong Kapaskuhan. Subalit malabo ang pag-asa sapagkat marami sa mga OFWs ang iniipon na lamang ang kanilang dollar sa abroad. Apektado rin marahil sila ng mga kaguluhang yumayanig sa administrasyon at nawawalan sila ng tiwala.
Ang Estrada administration lamang ang makapagsasalba sa bumubulusok na piso. Kailangang magsagawa ng tunay na reporma at ipakita sa mga investors na totoo at hindi ningas kugon ang pagbabago sa pamahalaan. Pawiin ang anino ng cronyism at corruption sa pamahalaan. Nararapat ding magkaroon ng direksiyon sa pamumuno. Linisin ang pangalan sa jueteng scandal sa pamamagitan ng pagmamadali sa impeachment case na isinampa. Kumilos na para maisalba ang piso at ang nakadapang ekonomiya.