MANILA, Philippines - Isang dating pulis ang naghihimas ngayon ng rehas na bakal nang tangkain nitong lunurin sa isang timbang tubig ang kanyang paslit na apo kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7610, child abuse ang suspect na si Luis Llegado, 40, ng Don Carlos Village, Brgy. 190 ng nabanggit na siyudad.
Ayon sa Pasay City Police Women’s Desk and Protection Section, nagtungo si Brgy. Chairwoman Alma Pitchay sa kanila matapos na humingi ng tulong ang kamag-anak ng biktimang si John Dave Mercolita, 1.
Bago ito, nagalit ang suspect nang paglaruan umano ng bata ang nakababad na labahin.
Bilang parusa, tinangkang lunurin ng suspect ang sariling apo sa isang timbang tubig, na nakita naman ng kanilang kaanak na agad na humingi ng tulong.
Pinaaresto ni Pitchay sa kanyang mga tanod ang suspect kung saan pinatawag din ang mga magulang ng bata.
Pinayuhan ni Pitchay ang suspect na humingi na lamang ng tawad, subalit nagmatigas ito.
Dahil dito, napilitan si Pichay na dalhin sa Pasay City Police ang suspect at ipakulong.