MANILA, Philippines - Arestado ang isang caregiver makaraang gahasain nito ang isang 46-anyos na matandang dalagang kapitbahay kamakalawa sa Caloocan City. Nakapiit na sa Caloocan City Police at nahaharap sa kasong rape ang suspek na si Gary Burlat, 26, ng Pio Valenzuela St., McArthur Hi-way ng nasabing lungsod. Personal na dumulog sa tanggapan ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Caloocan City Police upang pormal na magsampa ng kaso ang biktimang itinago sa pangalang Lorena, 46, at kapitbahay ng suspek. Base sa imbestigasyon ni PO3 Gigie de Jesus, dakong alas-3:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima. Ayon kay Lorena, nagbibihis siya sa kanyang silid nang bigla na lamang pumasok ang suspek saka puwersahan siyang ginahasa. Tinangkang manlaban ng biktima subalit pinagbantaan umano siya ng suspek na papatayin kapag sumigaw hanggang sa maisakatuparan ni Burlat ang makamundong pagnanasa nito sa dalaga. Matapos ang insidente, iniwan ng suspek ang biktima, subalit agad na nagtungo sa pagamutan si Lorena saka tumuloy sa naturang himpilan ng pulisya para magsampa ng kaso na naging dahilan upang arestuhin si Burlat.