MANILA, Philippines - Patay ang magkapatid na paslit nang ma-suffocate ang mga ito sa makapal na usok habang nasusunog ang kanilang bahay dahil umano sa naiwang kandila kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.
Kinilala ang nasawing magkapatid na sina Eloisa Mae, 9; at Marc Elvis Bialza, 7, nakatira sa Lorenzo Compound, Brgy. Talon Uno ng nabanggit na lungsod.
Samantala, ang kanilang ina na si Marilou Bialza ay nilalapatan ng lunas sa Las Piñas General Hospital.
Ayon sa imbestigasyon ni SFO3 Gerardo Porli, ng Las Piñas City Department, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa loob ng bahay ng pamilya Bialza sa nabanggit na lugar. Nabatid na natutulog ang mag-iinang biktima sa second floor ng kanilang bahay nang makarinig ang mga ito ng kalabog mula sa ibaba ng kanilang bahay.
Bumaba ang mga biktima, subalit malakas na ang apoy. Nakita umano ng ilang kapitbahay na humihingi ng saklolo ang mga biktima lalo na ang dalawang bata, subalit hindi makalabas ang mga ito ng bintana dahil sa rehas na bakal. Dito na binawian ng buhay ang magkapatid na biktima dahil sa suffocation mula sa makapal na usok at ang ina naman ng mga ito ay dinala sa nabanggit na pagamutan.
Inamin ng ina ng mga bata na may nakasinding kandila sa ibaba ng kanilang bahay, ngunit ayon dito, ang alam niya ay pinatay niya ito bago umakyat sa second floor para pagtulog nilang mag-iina. Nabatid na ang ama ng mga bata ay isang Overseas Filipino Worker (OFW).