MANILA, Philippines - Dalawang ginang ang kapwa nasawi makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa magkahiwalay na insidente ng karahasan sa Quezon City at Pasay City.
Sa lungsod Quezon, nakilala ang nasawi na si Divina Marcelino, househelp at nanunuluyan sa kanyang amo sa Baler St., West Avenue, Brgy. Paltok sa lungsod. Mabilis namang tumakas ang mga suspect sakay ng Sym Jet motorcycle na walang plaka.
Nangyari ang insidente sa may open dining table sa Kitkat Carinderia sa mismong tinutuluyan ng biktima, ganap na alas- 9:50 ng umaga.
Bago ito, kumakain umano ang biktima nang biglang dumating ang isang motorsiklo sakay ang mga suspect. Agad na bumaba ang isa sa mga ito at nilapitan ang biktima saka binaril sa likod na naglagos sa kaliwang dibdib. Patay agad ang biktima sa nasabing insidente.
Matapos ang pamamaril, agad na sumakay ang salarin sa kasamahang nasa motorsiklo at sumibat papalayo sa lugar.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa naturang insidente.
Samantala, sa Pasay City Police binaril din at napatay ng isa sa dalawang salaring magkaangkas sa motorsiklo ang isa ring ginang sa gitna ng maraming tao, kahapon ng tanghali sa naturang lungsod.
Nagtamo ng isang tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo na tumagos sa batok ang biktimang si Lourdes Elena Mabborang, 45, ng Brgy. Mariblo, San Francisco del Monte, Quezon City.
Nagawa pang pulutin ng isa sa mga salarin ang basyo ng bala na ginamit sa krimen bago kaswal na naglakad hanggang sa sumakay sa naghihintay na motorsiklo sa Park Avenue saka mabilis na tumakas.
Sa inisyal na ulat ng Pasay City Police, naganap ang pamamaril dakong alas-12:45 ng tanghali sa kahabaan ng Cuneta Avenue. Naglalakad sa naturang lugar ang biktima nang lapitan ng hitman na bumaba sa motorsiklo at agad na barilin nang malapitan sa ulo sanhi ng agad na kamatayan nito.
Sa nakalap na impormasyon buhat sa mga mensahe sa dalawang cellular phones na nakuha sa handbag ng biktima, nabatid na may mga kaaway ito na nagbabanta sa kanya. Sangkot ang biktima sa pag-aahente ng mga ibinebentang kotse, baril at iba pang gamit.
May mga impormasyon din na bukod sa pagba-buy and sell, sangkot din ang biktima sa pagre-recruit ng mga manggagawa na pinapangakuan na ipapadala sa ibang bansa na maaaring ugat din ng krimen. (Ricky Tulipat at Danilo Garcia)