MANILA, Philippines - Nabaril sa dibdib at hindi na umabot pang buhay sa pagamutan ang isang lasing na kostumer ng isang videoke bar matapos magtangkang agawan ng baril ang security guard habang inaawat ang una sa pagwawala sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang nasawi na si Gary Lasac, alyas Ato, ng Infanta St., Balut, Tondo, Maynila.
Agad namang sumuko sa Manila Police District-Raxabago Police Station 1 ang suspect na si Philadelfo Conserva, security guard ng Jamester Videoke Bar na nasa H. Lopez at Buendia Sts., Balut, Tondo.
Ayon sa ulat, dakong alas-12 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa labas ng videoke bar.
Uminom umano sa naturang establisimento si Lasac at nang malasing ay lumabas at doon nagwala.
Inawat naman ito ng suspect na sekyu pero hindi ito nakinig, imbes ay tinangkang agawin ang service firearm ni Conserva.
Nakipambuno naman ang sekyu hanggang sa pumutok ang baril at tinamaan sa dibdib ang biktima.