Tulay ng mga holdaper, snatcher nilinis

MANILA, Philippines - Alinsunod na rin sa kautusan ni Manila Mayor Alfredo Lim na linisin ang lungsod, tambak na basura at sari-saring personal na gamit na pinaniniwalaang mula sa mga biktima ng holdap at snatching ang bumulaga at nakuha ng mga tauhan ng Manila Barangay Bureau (MBB) sa ginawang paglilinis sa Quezon Bridge sa Quiapo, kamakalawa.

Ayon kay Romeo L. dela Vega, Acting Assistant Director ng MBB, ang mga bakal sa tuktok ng Quezon Bridge ang ginagawang hide-out ng mga snatcher at holdaper na nambibiktima ng inosenteng sibilyan na dumadaan sa tulay.

Laking gulat nila nang magbagsakan mula sa mga bakal ng tulay ang mga bag, wallet, cellphone case at housing at mga ID habang binobombahan ng tubig gamit ang anim na truck ng bumbero mula sa Central Quiapo Fire Volunteer, Nazareth Quiapo Fire Volunteer, Sta. Cruz Volunteer Fire Brigade, Soler Fire Volunteer at Ba­rangay Fire Volunteer.

Sinabi ni Dela Vega na patung-patong na reklamo na ang kanilang natatanggap hinggil sa pagiging marumi at mabaho ng naturang tulay.

Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan si MBB Director Analyn T. Marcelo-Buan sa Department of Public Service (DPS) at sa mga barangay officials ng Brgy. 303, 304, 306, 307, 384 sa District III at Brgy. 266 ng District II, upang isagawa ang Clean-Up Drive sa Quezon Bridge at Plaza Miranda noong Huwebes.

Kabilang sa mga Brgy. Chairman na nakiisa sa clean-up drive ay sina Joey Jami­­sola ng Brgy. 306; Boy Bata Gopaco, Brgy. 307; Sainal Sharief, Brgy. 384; Benjamin Yap, Brgy. 303; Michael Dungo, Brgy. 304 at Fidelino Lim, Brgy. 266.

Show comments