'Mummy' itinapon sa kalye

MANILA, Philippines - Mistulang ‘mummy’ ang isang bangkay ng hindi pa kilalang lalaki na nababa­lutan ng packaging tape ang mukha at ulo, habang nakagapos ang mga kamay na may dalawang tama ng saksak ng ice pick sa dibdib nang madaanan sa kalye ng isang tricycle driver sa Intramuros, Maynila kama­kalawa ng gabi.

Inilarawan ang biktima na nasa edad na 35 hanggang 40, may taas na 5’2 at katamtaman ang panga­ngatawan.

Sa ulat ni PO2  Jupiter­ Tajonera ng Manila Police District-Homicide Sec­tion­, dakong 11:50 ng gabi nang madiskubre sa Ellip­tical Road, Intramuros, Maynila ng trike driver na si Oden Kuasim ang nasabing bang­kay.

Agad niyang nilapitan upang alamin kung buhay pa ang nakabulagtang bang­kay at inireport sa mga barangay official ng Bgy. 656,  Zone 69.

Narekober din ng awtoridad, may ilang metro ang layo, ang isang 14” inch na icepick na hinihinalang ginamit sa pagpatay sa  biktima.

Samantala, isang bangkay ng lalaki ang natagpuang may tama ng saksak ang leeg kahapon sa Quezon City.

Tinatayang nasa edad na 20-25, nakasuot ng stripe na t-shirt, short pants, may taas na 5” talampakan at Moreno ang biktima na natagpuan ng caretaker ng isang canteen sa may 2nd floor ng Farmers plaza mall sa Cubao ganap na alas 4:45 ng madaling-araw.

Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya upang matukoy ang ugat ng pagpatay sa biktima at pagkakakilanlan nito. (Ludy Bermudo/Ricky Tulipat)

Show comments