MANILA, Philippines - Isang umano’y bading ang nadiskubreng patay habang naka-check-in sa motel kasama ng isang lalaki sa Sta.Cruz, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Iniutos naman ni Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, ang imbestigasyon sa pagkamatay ng biktimang si Mario Fermin, 38-40 anyos, may taas na 5’7’’, may katabaan, dahil sa sinasabing matigas na ang bangkay nito nang ireport sa kanilang tanggapan.
Sa inisyal na ulat ni PO3 Efren Flores, dakong alas-4:30 umano nang iwan ng isang Terencio Ametosa ang biktima sa loob ng inokupahang Room 201 ng Aristotle Inn sa Rizal Ave. upang maligo sa banyo.
Pagbalik niya umano ay nakita niyang nakasubsob na ang mukha sa kama ng biktima at matigas na rin ang katawan at hindi na umano humihinga.
Nagtataka naman ang Homicide Section kung bakit dakong alas-5 na ng umaga itinawag ang insidente sa nakakasakop na MPD-station 3.
“Kung 6:00 na nadiskubreng patay na sinasabi ngang matigas na at malamig na yung katawan, parang ang tagal naman yatang maligo nung lalaking kasama,” ani Macaraeg. Nang puntahan ng mga awtoridad ang bangkay, nakasuot lamang ito ng itim na brief habang nasa kama.
Sinabi umano ni Ametosa na ginigising niya ang kasama nang mapansin niyang hindi na gumagalaw.
Dakong 5:20 ng madaling-araw nitong Biyernes nang pumasok sa nasabing motel ang biktima at kasamang lalaki.