MANILA, Philippines - Hindi na nakalabas pa ng Manila Police District-General Assignment Section ang isang 70-anyos na lola nang ituro ito ng complainant na kasabwat sa ‘pangongotong’ sa kanya sa isang money changer, kamakalawa ng gabi sa Ermita, Maynila.
Nasa loob na ng piitan si Adoracion Pascual, alyas “Ongkee”, cashier sa Rhynna Money Changer at residente ng A. Mabini St., Ermita, Maynila makaraang dumalaw lamang upang magdala ng pagkain sa naunang dinakip na si Janine Santos, 39, teller ng nasabing money changer.
Ayon kay PO2 Reginald delos Reyes, nagkataon na naroon sa kanilang tanggapan ang complainant na si Maricel Ulanday, 32, ng Municipal Compound, Norzagaray, Bulacan nang dumating si Pascual dakong alas-7:30 ng gabi kaya di nakapagpigil at itinuro niya ang lola na kasabwat umano ni Ulanday at isa pang di nakilalang babae.
Ipinagharap na rin ng kasong qualified theft si Pascual sa Manila Prosecutor’s Office.
Una nang nakulong si Santos nang ireklamo sa ‘kotong’ na umabot sa P166,000 mula sa ipinalit ni Ulanday na US dollars noong Hunyo 16.