MANILA, Philippines - Isang lalake ang iniulat na nasawi, habang isang mag-live-in partner ang malubhang nasugatan nang hagupitin ang mga ito ng malakas na kidlat matapos ang pagbuhos ng malakas na ulan kamakalawa sa lungsod Quezon.
Nakilala ang nasawi sa alyas na Henry, residente ng Baseco Compound sa Tondo Manila; habang ang mga sugatan naman ay sina Jeffrey Abane, at kinakasama nitong si Lenalyn Badajos, 32; ng Durian St., Tatalong Singko, Las Piñas City.
Sinasabing si Henry ay nasawi habang isinusugod sa Bernardino Hospital bunga ng matinding pagkakasunog ng kanyang katawan. Habang ang mag-live-in naman ay inoobserbahan pa rin sa East Avenue Medical Center matapos na ilipat mula Bernardino bunga ng mga tinamong sunog din sa kanilang mga katawan.
Nangyari ang insidente sa loob ng 4-R Allaga Bingo Social na matatagpuan sa P. dela Cruz St., Green Archers compound, Brgy. San Bartolome pasado alas- 5 ng hapon. Diumano, nakatayo ang mga biktima sa bingguhan kung saan sila nagta-trabaho nang bumuhos ang malakas na ulan. Ang pagbuhos ng ulan ay may kasunod na malalakas na dagundong mula sa langit hanggang sa sumagitsit ang malakas na kidlat patungo sa kinaroronan ng mga biktima.
Sa lakas ng boltahe ng kuryenteng dulot ng kidlat na tumama sa mga biktima ay bumuwal agad ang mga ito sa lapag hanggang sa makita ng ilang saksi ang sunog nilang katawan, at isugod sa Bernardino hospital. Mula rito ay binawian agad ng buhay si Henry habang ang mga biktima naman ay agad na nilapatan ng lunas, bago tuluyang inilipat sa EAMC kung saan sila patuloy na inoobserbahan.