MANILA, Philippines - Patay ang itinuturong lider ng grupo ng mga holdaper makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng Makati City police, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod.
Nakilala sa inisyal na imbestigasyon ang nasawi na si Reynaldo Macario, 31, residente ng M. Dela Cruz St., Pasay City habang nakatakas naman ang isang kasamahan nito na sinasabing sugatan.
Sa inisyal na ulat ng Makati City police, naganap ang barilan dakong alas-9:10 kamakalawa ng gabi sa kanto ng Dian St. at Buendia Avenue sa naturang lungsod.
Nabatid na nagsasagawa ng checkpoint sa naturang lugar ang mga tauhan ng Makati police nang mapadaan ang isang scooter na walang plaka at walang helmet ang dalawang sakay. Hindi huminto ang naturang scooter sanhi upang magkaroon ng habulan at palitan ng putok hanggang sa mahulog at tinamaan ng bala si Macario habang nagpatuloy sa pagtakas ang kasamahan nito.
Naiwan naman ang scooter na gamit ng dalawang suspek habang narekober rin ang isang kalibre .45 baril na ginamit ng mga ito sa pakikipagbarilan sa mga pulis.
Sa record ng pulisya, nabatid na sangkot ang grupo ni Macario sa mga panghoholdap sa mga lungsod ng Las Piñas, Makati, Pasay at Parañaque.
Nitong nakaraang Pebrero, naka-engkuwentro rin ng pulisya sa Makati ang grupo nito kung saan nasawi ang dalawang kasamahan nito habang nakatakas noon si Macario. Dito nakilala si Macario na lider ng grupo sa pamamagitan ng photo gallery.