MANILA, Philippines - Matapos magpatupad ng rollback ang mga maliliit na oil players, sumunod na rin ng rollback sa kanilang produktong petrolyo ang Petron Corp. kahapon ng tanghali.Sa mensaheng ipinadala ni Raffy Ledesma, tagapagsalita ng Petron, ibinaba nila ng P.75 sentimos ang kada litro ng diesel at kerosene na epektibo mula alas-12 ng tanghali nitong Lunes.
Wala namang naging paggalaw sa presyo ng kanilang gasolina. Bunsod umano ito ng patuloy na paggalaw at pagbaba sa presyo ng krudo sa internasyunal na merkado na dapat salaminin ng kanilang lokal na presyo.
Matatandaan na nitong Linggo, nagpatupad ng pagbaba ng presyo ang Flying V at Sea Oil. Nasa P.75 rin ang ibinaba sa halaga ng diesel at P.50 sentimos naman sa halaga ng kada litro ng gasolina.
Habang isinusulat ito ay hindi pa rin nagpapatupad ng rollback ang dalawa pa sa Big 3 sa bansa na Filipinas Shell at Chevron Philippines. (Danilo Garcia)