MANILA, Philippines - Bunga ng pagbubunyag ng sariling ina, natunton ng mga tauhan ng Manila Police District-Homicide Section ang pinagtataguan ng isa sa tatlong suspek na pumatay sa isang barangay chairman, sa isinagawang follow-up operation, sa lalawigan ng Batangas, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni C/Insp. Erwin Margarejo, hepe ng MPD-Homicide section, ang naarestong si Mark Joseph Ignacio, alyas “Mac-mac” 19, ng 107 V. Mata, Herbosa Ext., Tondo, Maynila.
Isa si Ignacio sa itinuturong suspek sa pagpatay kay Reynaldo Jornales, chairman ng Bgy. 109, Zone D-1, at residente ng #154 Masuwerte St., Tondo, madaling-araw nitong Martes.
Ang dalawa pang suspek na kinilalang sina Leonel Enriquez, alyas “Lupen”, 20; at Bernie Ladia, alyas Bernie, 20, ay patuloy pang tinutugis ng mga elemento ng pulisya.
Nabatid na si Ignacio ay itinuro ng ina ang pinagtaguan ay natunton sa Brgy. Balaytigue, Nasugbu, Batangas.
Sa naging pahayag ni Ignacio, itinanggi niya na siya ang sumaksak sa biktima, bagkus ay kasama lamang niya ang dalawa at nakatayo siya habang ang dalawang kasama ay nagtulong sa pagsaksak sa chairman.