MANILA, Philippines - Umabot sa 23 katao ang naaresto ng pamunuan ng Quezon City Police sa ginawang saturation drive nitong nakaraang Pasko kasabay ng pagkakasamsam ng 21 illegal na baril, ayon sa pulisya kahapon.
Ayon kay Chief Superintendent Elmo San Diego, QCPD director, ang saturation drive ay ginawa sa Barangay Payatas, nitong Disyembre 26 hanggang 27 kung saan 23 katao ang inaresto at dinala sa malapit na police station.
Pinamunuan ang nasabing operasyon ng elemento ng Batasan Police at Special Weapons and Tactics Unit matapos na makatanggap ng ulat na madalas na nagkakaroon ng kaguluhan sa nasabing lugar. Partikular na nagiging ugat ng kaguluhan ang away ng mga gang kung saan may nagpapaputok pa ng mga baril, partikular dito ang lugar ng Madjaas Group 2 at Urban, Lupang Pangako, Group 3 Payatas, na pinagmumulan ng miyembro ng gang na Blondie Group at ang True Brown Style (TBS) fraternity.
Sa operasyon na tinaguriang “Oplan Galugad,” pinangunahan ito ng mga operatiba kasama ang ilang impormante kung saan tatlong abandonadong bahay ang iniulat na ginagamit na pugad o lungga ng grupo.
Sa pagsisiyasat, nakumpiska dito ang 11 improvised firearms o sumpak, bala ng shotgun, at mga patalim. (Ricky Tulipat)