Court martial vs 7 Army

MANILA, Philippines - Nahaharap ngayon sa po­sib­leng court martial ang pitong sundalo na nasangkot sa walang habas na pama­maril na ikinasawi ng isang pulis at isang Brgy. Tanod, habang isa pa ang nasugatan sa Quezon City noong Linggo.

Sinabi ni Army Spokes­man Lt. Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., hindi mangingimi si Army chief Lt. Gen. Delfin Bangit na sibakin sa tungkulin at patawan ng ‘dishonorable dismissal ‘ang pito oras na ma­patunayan sa isasaga­wang administrative investiga­tion na may pagkakasala o guilty ang mga ito sa kaso.

Nahaharap sa kasong murder at frustrated murder ang pitong tauhan ng Army ka­ugnay sa pagkamatay nina PO3 Wilfredo Macatangcay at tanod na si Alex Bersamin at ma­lubhang pagkasugat ni Rey­naldo Ybañez.

Kinilala ang mga tauhan ng Philippine Army na na­sangkot sa karahasan na sina Urban Civil Military Operation na sina Sgt. Elgar Aclan, Cpl. Eugene Villaver, and Pfcs. Rafael Lantano, Delfin Viaje­dor,Rannie Bartolay, Ariel Molina at Roberto Chiong; pa­wang ng Civil Military Ope­ration (CMO).

Nabatid na ang pito ay ka­bilang sa grupo ng mga sun­dalo na nakadeploy sa iba’t ibang urban poor commu­ni­ties para tumulong sa mga civil military project na may la­yunin ding supilin ang naga­ganap na NPA recruitment sa National Capital Region (NCR).

Sa inisyal na ulat ay sina­sabing sinita ng lasing na si Chiong, si Ybanez para pati­gilin ang operasyon ng isang peryahan sa kanilang nasa­sa­kupan na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang biglang nagpaputok umano ang sun­dalo kaya napilitang tumakbo ang tanod at humingi ng responde.

Subali’t nang dumating umano ang mga pulis sa Health Center sa Brgy. Pasang Tamo, Tandang Sora, Quezon City kung saan naka­himpil ang mga sundalo ay agad uma­nong pinaputukan ng mga ito ha­bang buma­baba sa kanilang patrol car. (Joy Cantos)

Show comments