Sunog sa Caloocan: 3 patay

MANILA, Philippines – Tatlo katao ang nasawi at tatlo pa ang sugatan sa isang sunog na naganap sa lungsod ng Caloocan kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga nasawi na sina Eduardo Gorminco, 55; Jolas Facundo, 22 at Harry Dominggo, 32, pawang mga stay-in sa RM Promo and Display Corporation, na matatagpuan sa Tullahan St., Santa Quiteria ng lungsod na ito na pag-aari ng isang Rolando Martirez.

Nilalapatan naman ng lunas sa Chinese General Hospital sanhi ng pagkalapnos ng mga balat sina alyas William; alyas Ninoy at alyas Aris, mga kasama ng mga nasawi.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ni SFO2 Zoilo Crisostomo, ng Caloocan City Fire Department, nabatid na dakong alas-4 ng umaga nang masunog ang nasabing kom­panya. Sa isang iglap lang, mabilis na kumalat ang apoy at hindi na nakalabas ang mga biktima.

Nabatid, na dakong alas-6:20 ng umaga nang maapula ang apoy at aabot sa P10M ang halaga ng mga ari-arian ang naabo, kung saan inaalam na ang pinagmulan ng sunog. Hindi pa matiyak kung ano ang sanhi ng sunog.


Show comments