MANILA, Philippines – Libu-libong commuters ang na-istranded kahapon makaraang mahulog ang isang piraso ng malaking bakal na bumagsak sa riles ng Light Rail Transit (LRT) sa kahabaan ng Taft Avenue, Pasay City kahapon ng umaga.
Ayon kay LRT Administrator Melquiadas Robles, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng umaga sa Taft Avenue Station ng LRT. Bunga nito ay napilitan silang pansamantalang ipatigil ang biyahe ng LRT mula sa Central Station patungong Baclaran.
“To Baclaran itinigil muna ang biyahe, ina-assess pa natin kasi ang damage,” ani Robles.
Sinabi naman ni LRT Chief Information Officer Maria Kristina Cassion, na nagbalik muli ang biyahe ng LRT dakong alas-9:45 ng umaga kung saan tinatayang nalugi sila ng P518,375 mula sa tinatayang 36,250 pasahero ng tren. Ang bumagsak na bakal ay mula sa Victoria de Manila condo sa lugar.
Nabatid pa na masyadong malaki ang nahulog na bakal at kinailangan pa ang lakas ng apat na lalaki para lamang ito mabuhat.
Sa nasabing insidente ay napinsala ang itinerary power supply na siyang nagpapaandar sa coaches ng LRT kung saan libu-libong pasahero partikular na sa Quirino at Pedro Gil Station na napilitang sumakay na lamang ng mga taxi at jeepney papasok sa trabaho. (Joy Cantos, Rose Tamayo-Tesoro at Doris Franche)