MANILA, Philippines – Tiniyak ni Manila City Administrator Jesus Mari Marzan na available na ang libreng kabaong para sa mga mahihirap na pamilya sa lungsod na namatayan ng kanilang mahal sa buhay matapos na masimulan ang sariling pagawaan nito sa Parking and Recreation Bureau (PRB) sa Manila North Cemetery.
Ayon kay Marzan, ang pabrika ng kabaong ay “brainchild” ni Manila Mayor Alfredo S. Lim matapos na makatanggap ng reklamo ang city government na maraming patay na residente ng Maynila ang hindi nalalagay sa maayos na kabaong bunga na rin ng kawalan ng panggastos.
Ipinaliwanag ni Marzan na ang libreng kabaong ay para sa ‘paupers burial’ kung saan mula sa kabaong, chapel na paglalamayan at nitsong paglalagakan ay walang babayaran kahit singko ang pamilya ng namatayan.
Kasabay nito, sinabi pa ni Marzan na hindi rin ito magagamit ng mga mapagsamantala, lalo na ng mga namumuhunan sa pasugalan dahil dadaan sa screening ang pamilya ng namatayan. Kailangan din ng pormal na liham at endorsement letter mula sa opisyal ng barangay at kailangan naka-address sa Mayor’s Office o kaya naman ay sa City Administration Office.
Idinagdag pa ni Marzan na may sapat na pondo ng mga ataul sa mga salat na salat na residente na nangangailangan nito para sa kanilang yumao. (Doris Franche)