Makaraang magpatupad ng P1 rollback sa kada kilo ng kanilang produkto ang LPG Marketers Association, nagtapyas naman ng P4 piso sa kada kilo o P44 bawat tangke ng liquefied petroleum gas ang Shell at Petron.
Ini-anunsiyo ng dalawang dambuhalang kompanya ng langis sa bansa ang pagbabawas sa presyo ng kanilang LPG sa harap mismo ni Department of Energy (DOE) Secretary Angelo Reyes habang isinasagawa ang pagtalakay kung magkano pa ang dapat na ibawas ng mga kompanya sa kanilang mga produktong petrolyo.
Sa kabila ng naturang rollback, sinabi ng kalihim na kulang pa ng P3 piso ang kabuuang ibinabawas ng mga kompanya dahil lumalabas sa kanilang pagtaya na dapat ay P15 na ang ibinawas sa bawat kilo ng LPG mula noong buwan ng Nobyembre.
Sa kasalukuyan ay umaabot pa lamang sa P12 ang kabuuang ibinabawas ng mga dambuhalang kompanya ng langis sa bansa sa presyo ng kanilang ibinebentang LPG.
Sinabi naman ni Virginia Ruivivar, public affairs manager ng Petron na hindi kaagad sila makapagbaba ng presyo ng LPG dahil ibinabatay pa nila ito sa isinasagawa nilang imbentaryo ng isa’t kalahati hanggang dalawang buwan.
Gayunman, makakaasa aniya ang publiko na magkakaroon pang muli ng P3 piso kada kilong rollback ang kanilang ibinebentang LPG ngayong buwan ng Disyembre. (Lordeth Bonilla at Angie dela Cruz)