Akyat-baba mula ground hanggang 8th floor

Todo ang kalbaryo na dinaranas ng may 300 estudyante ng Manila High School bunga ng ginaga­wang pag-akyat at pag­baba ng mga estudyante mula ground hanggang 8th floor sa loob ng limang araw sa kanilang pansa­man­ta­lang eskuwelahan sa PNB Bldg sa Escolta, Manila.

Ayon sa nakalap na im­pormasyon, posibleng   tu­magal pa ang kalbaryo ng mga estudyante hangga’t hindi natatapos ang kons­truksyon ng kanilang 3-storey building ng Manila High School sa dati nitong lokasyon sa Intramuros, Manila at higit sa lahat ay kung hindi magagawan ng paraan ang mabilisang pagkukumpuni sa may dalawang elevator sa na­sabing gusali.

Nabatid na may dala­wang linggo na ang naka­karaan nang ipangako ni Manila Mayor Alfredo S. Lim sa principal ng Manila High School na si Wilfredo Empleo na gawan ng pa­raan ang pagka-klase ng mga estudyante ng Manila High sa PNB Bldg. Ito ay ma­karaang ulanin ng daing ang tanggapan ng al­kalde sa kalunus-lunos na sitwasyon ng mga estud­­yante ng Manila High na nagka-klase sa madilim na classrooms, mainit at higit sa lahat walang elevator na gusali.

Agad namang naso­lus­yunan ng mga tauhan ni City Engineer Armand Andres ang suliranin sa ka­walan ng proper ventilation at proper lighting sa na­sabing gusali ng PNB ngunit hindi ang suliranin sa elevator na hanggang ngayon ay siyang itinutu­ring na dahilan kung bakit madalas ay nagka-cut ng klase ang karamihan ng mga estudyante. (Doris Franche)

Show comments