Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng isang 49- anyos na lalaki matapos itong magpakilalang empleyado ng isang kompanya ng tubig na nag-aalok ng serbisyo upang ma-upgrade ang kanilang water meter sa Binondo Maynila.
Kasalukuyang nakapiit sa Manila Police District (MPD)-Station 11 (Binondo) detention cell ang suspek na si Hilario Soriano, na may alyas na “Jaime Mendoza”, “Jimmy Moreno”, “Carlos Santos” at “Ernesto Cuda”, ng Matimyas St., UP Village, Quezon City dahil sa reklamo ni Romeo Gines Lioviceo, ng Binondo, Maynila.
Sa report ni Supt Nelson Yabut, hepe ng MPD-Station 11 (Binondo), dakong ala-1 ng hapon nang arestuhin ang suspek sa loob ng bahay ng biktima sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Jesusa Prado Maninas ng Manila RTC Branch 24.
Nagtungo umano ang suspek sa bahay ng biktima at nagpakilalang empleyado ito ng Maynilad at inalok na i-upgrade ang kanilang water meter upang mabawasan ang kanilang konsumo sa tubig sa halagang P4,500.
Subalit nakilala ng biktima na siya rin ang nag-alok at nanloko sa kanya noong May 2007 at upang hindi siya mahalata ng suspek ay nagkunwari muna itong kukuha ng pera subalit palihim na tumawag ito sa pulisya.
Ilang sandali pa ay dumating ang pulisya kasama si Nolan Clemente, Representative ng Maynilad na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek. Ang suspek ay may nakabimbin na kasong estafa, fal sification of private documents, usurpation of authority at fictitious/concealing true name. (Gemma Amargo-Garcia)