Ginang bugbog-sarado sa dalawang snatcher

Isinugod sa pagamu­tan ang isang 54-anyos na ginang makaraang walang awang bugbugin ng dalawang isnatser matapos na pumalag ang una na matangay ang kanyang bag kamaka­lawa ng gabi sa Quezon City.

Nagtamo ng sari-saring pasa at sugat sa mukha at katawan ang bik­timang nakilalang si Florida Feliciano, factory worker at residente ng Ba­gong Nayon Brgy. Bag­baguin, Valenzuela City.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang in­sidente dakong alas-9 ng gabi sa panulukan ng Boni­facio 11th avenue, Brgy. Balingasa, ng natu­rang lungsod.

Naghihintay ng masa­sakyan ang biktima sa na­sabing lugar nang hu­minto ang isang puting taxi at bumaba ang da­lawa sa tatlong suspek.  Agad na nilapitan ng mga suspek ang ginang at tinangkang agawin ang bag nito ngunit nakipag-agawan ang biktima.

Dito na pinagsusuntok at sinikmuraan ng dala­wang lalaking suspek ang biktima hanggang sa ma­bitiwan ang kanyang bag. Agad na tumakas ang mga suspek sakay ng naturang taxi.

Mabilis namang humi­ngi ng saklolo sa pulisya si Feliciano ngunit hindi na naaresto ang mga sa­la­rin. Ayon sa pulisya, ma­­aaring mga “Ipit Taxi Gang” ang mga suspek na nambibiktima ng mga nagsosolong babaeng pa­­sahero ngunit posib­leng nag-iba na ng dis­karte dahil sa walang ma­isakay na biktima. (Danilo Garcia)

Show comments