Pera ng bisita tinangay ng pulis

Nahaharap sa rek­lamo ang isang tauhan ng Manila Police District makaraang “kumuha” ng halagang P6,000 sa isang bisita sa isang  bahay na kanyang pi­nuntahan sa Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Personal na dumu­log sa tanggapan ng MPD-General Assignment Section ang bik­timang si Raul Sosa, 53, ng 507 F. Cayco St., Sampaloc upang irek­lamo si SPO1 Nereo Vargas, nakatalaga sa MPD-Station 4.

Naganap umano ang insidente dakong alas-2:00 ng madaling-araw sa isang bahay sa Felina St..

Nauna dito, nakitulog umano ang biktima sa bahay ng di pinanga­lanang kaibigan. Duma­ting naman ang suspek na lasing at hinanap ang may-ari ng bahay na umano’y kaibi­gan din nito.

Ikinabigla ng suspek na ibang tao ang nasa loob ng bahay kaya naghinala ito at kinap­kapan ang biktima at nang makapa ang pi­taka nito na may laman na P6,000 ay kinuha ito saka umalis.

Hindi umano nag­pang-abot ang may-ari ng bahay at ang suspek dahil pag-alis ng suspek ay siya namang pag­labas ng may-ari ng bahay mula sa pali­kuran. (Grace dela Cruz)

Show comments