Holdaper dedo sa bibiktimahin

Nasawi ang isang holdaper makaraan na mabaril ito ng dapat sana’y bibiktimahin niyang may-ari ng isang internet shop na nagawang maagaw ang kanyang baril kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Patuloy pa ring kinikilala ng pulisya ang biktimang inilarawang nasa pagitan ng edad na 35-38 anyos, nasa 5’4 ang taas, katamtaman ang katawan, maigsi ang buhok, kayumanggi, nakasuot ng short na maong,  itim na t-shirt at tsinelas.

Sa ulat ni Arnold Vasquez, 29, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang pumasok sa pag-aari niyang WTF Net Café sa #38 Annapolis St., E. Rodriguez Avenue, Quezon City ang suspek habang dalawa pa ang nag­silbing look-out.

Agad na nagdeklara ng holdap ang suspek na armado ng isang kalibre .38 baril. Sinabi ni Vasquez na nakakuha siya ng tiyempo nang sandaling makalingat ang suspek at agad na naagaw ang baril saka niya isang beses na pinaputukan sa katawan.

Hindi na nagawa pang saklolohan ng mga kasa­mahan nito ang suspek na mabilis na nagsitakas habang isinugod pa ni Vasquez ang holdaper sa East Avenue Medical Center ngunit hindi na ito umabot pa ng buhay. (Danilo Garcia)

Show comments