Isang 40-anyos na binata ang nabaril at napatay ng mga pulis matapos nitong i-hostage ang nililigawan niyang boarder at dalawa niyang pamangkin kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Patay na nang idating sa Manila Sanitarium Hospital ang suspect na si Renato Pascual, residente ng #114 Humilidad St., ng nasabing lungsod sanhi ng tinamo nitong dalawang tama ng bala sa ulo at sa kanang braso buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Ginagamot naman sa nabanggit na pagamutan ang pamangkin ng nasawi si Gladys Pascual, 32, ng #1721 Cuyegkeng St., Pasay City nang tamaan ito ng ligaw na bala sa tuhod. Na-rescue naman ang boarder na si Marnelli Licyag, 21, empleyada at isa pang pamangkin ng suspek na si April Javinar, 27.
Sa report na natanggap ni Sr. Insp. Reynaldo Paculan, hepe ng Criminal Investigation Division (CID) ng Pasay City Police, naganap ang insidente dakong alas-12 ng madaling-araw sa bahay ng suspek.
Galing sa comfort room ang biktima upang kumuha ng tubig, paglabas ng dalaga nakasalubong nito ang suspek na may dalang jungle bolo.
Agad na tinutukan ng suspect ang dalaga at pinapasok ito sa CR, hanggang sa ikinulong ito at hinostage. Pinuntahan naman ito ng kanyang mga pamangkin na sina Gladys at Javinar ang suspect para pakiusapan ito na pakawalan ang bihag, sa halip, maging silang dalawa ay pinigil din ng suspect na tiyo.
Agad namang rumesponde ang mga pulis at pinakiusapan ang suspect, subalit tila wala na ito sa sarili kaya napilitan na ang pulisya na paputukan ito na naging dahilan ng kanyang kamatayan. Tinamaan din ng ligaw na bala ang isa sa mga bihag na si Gladys.