Bunsod ng sunud-sunod na pamamaslang sa mga opisyal ng Commission on Election (Comelec), hiniling kahapon ng komisyon sa Philippine National Police (PNP) na magdagdag ng security personnel para sa mga ito.
Kahapon ay nagsimula nang dumating at magbantay sa paligid ng Comelec main office sa Intramuros ang 34 miyembro ng PNP upang matiyak ang seguridad ng mga commissioners dito. Mahigpit din na ipinatutupad ang “No ID, No entry” policy sa nabanggit na tanggapan kung saan maging ang mga vendors sa loob ng Comelec ay winalis na rin ng mga awtoridad na nagbabantay dito.
Ayon kay Comelec Spokesperson Atty. James Jimenes, ito ay upang matiyak na hindi na madadagdagan ang bilang ng pagpatay sa mga opisyal ng Comelec.
Samantala, nagpalabas naman ng gag order kahapon si Manila Mayor Alfredo Lim sa mga miyembro ng Manila Police District (MPD) upang hindi magbigay ang mga ito ng impormasyon sa insidente ng pamamaslang sa Comelec Law Dept. Head Atty. Alioden Dalaig. Sinabi ni Lim na dapat munang tiyakin ng pulisya ang mga ebidensiyang hawak nito bago iprisinta o ipakita sa media upang maiwasan ang pagbibigay ng maling impormasyon sa publiko.(Grace dela Cruz)