Sasampahan ng kasong kriminal ng National Bureau of Investigation (NBI) ang village manager at tatlong security guard ng isang village matapos na hindi papasukin ng mga ito ang ahente ng NBI na mag- seserve ng subpoena sa ilang kasamahan ng hazing victim na si Cris Anthony Mendez.
Kasong paglabag sa PD No.1820 (Decree Penalizing Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders) ang isasampa laban kina Manny Samson, manager ng Pacific Malayan Village sa Cupang, Muntinlupa City; ang mga security guard sa village na sina Ricardo Cordova; Ruel Arandilla, at Cezar Porcadilla.
Ang aksyon ay ikinasa ng NBI matapos na hindi maibigay ng mga ahente ang subpoena kay Andoni Santos, kasamahan umano ni Mendez sa University of the Philippines-College of Law at miyembro ng Sigma Rho Fraternity kung saan ito umano ay mayroong kinalaman sa pagkamatay ng nabanggit na biktima.
Ayon kay NBI-Anti Terrorism Division chief, Atty. Romulo Asis, makailang ulit na umano silang nagpadala ng subpoena para kay Santos ngunit hindi umano sila pinapapasok ng mga nabanggit na security guards dahil daw nasa Spain ang pamilya Santos para sa isang bakasyon at sa halip ay ito na lamang umano ang tumatanggap ng subpoena upang iabot kay Santos.
Ngunit hindi naman umano dumating si Santos kung kaya’t maging ang mga nabanggit na sekyu at si Samson ay ipinatawag na rin ng NBI ngunit nabigong magpakita ang mga ito.
Bunsod nito’y inatasan ng NBI ang mga sekyu at si Samson na iprisinta sa ahensiya ang security guard’s logbook upang makakuha ng ilang impormasyon ngunit hindi naman ito ibinigay ni Samson sa katwirang wala itong kapangyarihan na ibigay ang anumang impormasyon na nasa nabanggit na logbook.
Magugunita na nagmakaawa ang ina ng biktima na si Cristina Mendez sa doktor na nagdala sa batang Mendez sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) na si Dr. Francisco Cruz na ilantad na ang kanyang anak na si Miguel “Mico” Cruz upang magbigay linaw sa pagkamatay ng biktima.
Subalit, patuloy naman umano itong itinatago ni Dr. Cruz kung kaya’ t natatagalan ang pagresolba sa nabanggit na kaso. (Grace dela Cruz)