Sinibak sa serbisyo ang tatlong empleyado ng Bureau of Immigration (BI) dahilan sa umanoy pagkakasangkot sa pangongotong at iba pang anomalya.
Kinilala ni BI Commissioner Marcelino Libanan ang mga empleyado na sina Virginia Libunao, administrative aide lV; Joselito Cruz, Immigration Officer 1, at Jose Gundayao, Security Guard 1. Sina Libunao at Cruz ay pawang sinibak dahil sa kasong grave misconduct at conduct prejudicial to the interest of service, habang si Gundayao naman ay sa kasong gross neglect of duty.
Nabatid na lima na ang kabuuang bilang ng mga empleyado na sinibak simula ng maupo si Libanan sa puwesto noong Mayo at patuloy pa rin umano nitong ipupursige ang anti-corruption campaign.
Bukod sa pagkakasibak sa mga empleyado,hindi rin sila makakakuha ng retirement benefits gayundin bawal ng pumasok ang mga ito sa anumang sangay ng gobyerno.
Base sa record, si Libunao ay kinasuhan dahil sa pakikipagsabwatan sa ilang miyembro ng PNP-CIDG sa pagdukot sa isang American na si Thomas Deasey at nagbanta na papatayin ang pamilya kung hindi magbibigay ng ransom money na P2 milyon.
Matapos na makapagbayad ng P2 milyon, inayos ni Cruz ang illegal na pag-alis nito sa pamamagitan ng hindi paglalagay sa computer ng pangalan nito sa kabila ng ito ay nasa watchlist ng BI.
Habang si Gundayao naman ay sinibak sa pagtulong sa isang Chinese na si Zheng Rong na makatakas ng detention cell sa Bicutan matapos na bigyan ng emergency medical pass ang dayuhan. (Gemma Amargo-Garcia)