Sugatan ang walong bata matapos na tupukin ng apoy ang dalawang pampublikong eskuwelahan kahapon sa Sta.Cruz , Maynila.
Ang mga biktima ay nakilalang sina Alvin Grego,7;John Allen Lozero, 9; Kevin Lozada, 4; Arly Guevarra, 15, Mar Alfren Casenas, 3; Roseann Reyes,10; Lawrence Braseria, 15 at Adrian Vitug, 14, na pawang nagtamo ng mga sugat sa katawan dahil sa umano’y pag-uusyoso ng mga ito sa sunog.
Nabatid sa pulisya na si Casenas ay aksidenteng nabundol ng isang nagrespondeng bumbero at mabilis na isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center habang ang ibang biktima ay tinamaan ng mga bumagsak na tiles, kahoy at bato sa nasunog na paaralan.
Ang naturang sunog ay umabot sa ika-limang alarm na nagsimula dakong alas- 12:27 ng tanghali at idineklarang fire-out dakong ala-1:45 ng hapon.
Ang sunog ay nagsimula umano sa Francisco Balagtas Elementary School, sa Habana 1 building at Habana 2 na kinalulugaran ng museum at library at Gym ng naturang paaralan.
Halos natupok din ang kalahati ng Teodoro Alonzo High School. Hinihinalang isang nag-overheat na bentilador ang pinagmulan ng sunog. (Grace dela Cruz)