Dahil sa kawalan umano ng “sprinkler system” at iba pang mga kagamitan laban sa sunog ang naging dahilan ng tuluyang pagkatupok ng gusali ng Maritime Industry Authority (MARINA), ayon kay Manila Fire Bureau chief, Sr. Supt. Pablito Cordeta.
Sinabi ni Cordeta na naagapan sanang maapula agad ang sunog kung may “sprinkler” sa bawat palapag ng PPL building at kung merong sariling fire brigade ang MARINA. Inamin rin nito na kapos sila sa kagamitan tulad ng aerial ladder kaya hindi naabot ng tubig ang mga palapag na nilalamon ng apoy.
Sa kabila nito, sinabi ni Cordeta na hindi dapat sisihin ng mga tao ang mga bumbero dahil sa naturang sunog na tumagal ng halos 2 araw dahil sa muling pagliliyab ng apoy. Sinabi nito na kasalanan umano ng mga empleyado at opisyales ng gusali ang pagsisimula ng sunog at kawalan ng emergency anti-fire equipments habang tumutulong lamang ang mga bumbero na maapula ito.
Ang problema umano sa naturang gusali ay mas matanda pa ito sa Fire Code of the Philippines kaya wala pa itong sprinkler system nang maitayo at hindi rin nagawan ng paraan ng MARINA na maglagay nito. (Danilo Garcia)